Pakikiisa sa Barangay Security Force

Ika-21 ng Pebrero nang isinagawa ang ikalawang bahagi ng Social Involvement Program (SIP) ng mga mag-aaral sa ikaapat na baitang. Katulad ng unang bahagi na isinagawa nung Setyembre 15, 2017, muling naging panauhin ang mga miyembro ng Barangay Security Force (BSF) ng Marikina Heights. Bukod sa mga Barangay Tanod na katulad ni Kuya Francis Borja, may mga tauhan din ng BSF na nangangasiwa sa Violence Against Women and Children (VAWC) desk. Nagbigay sila ng dagdag-kaalaman sa mga mag-aaral na maaari silang lapitan kung may mga nais idulog na insidente ng pang-aabuso sa mga kababaihan at mga bata.

Sa pahayag ni Ginang Pelante, muli niyang ipinaalala ang malaking bahagi na ginagampanan ng BSF upang maipatupad ang mga ordinansa at mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa pamayanan. Binanggit din nya na dahil sa kanilang katungkulan, maaari din silang matawag na “The Avengers” at dapat silang pasalamatan sa kanilang mga ginagawa.

Naging maayos ang programa na isinagawa ng mga mag-aaral katulong ang kanilang mga guro, mga PSRs, at SIP Volunteers. Tuwang-tuwa ang mga bata sa mga palaro na inihanda para sa kanila na isinagawa kasama ang mga miyembro ng BSF. Maligayang nakilahok ang panauhin sa mga palaro at maging sa pagsayaw na pinangunahan ng mga mag-aaral na kasapi ng Junior Dance Club.

Bilang pasasalamat, nagbigay ng munting regalo na nagmula sa mga mag-aaral at PTA sa mga panauhin, sa isang matandang tagapangasiwa ng parking ng mga sasakyan sa Liwasang kalayaan at pati na rin sa mga Security Guards ng eskwelahan. Lubos naman itong ikinatuwa at ipinpapasalamt ng mga kapita-pitagang mga panauhin.